Hinggil sa Proyektong Embarcadero

Posted by Bikol ESCR
24 Aug 2010
regional_reportage

Katangian ng Proyekto  | Ang The Embarcadero  ay matatagpuan sa Legazpi Port Area malapit sa paanan ng bundok ng Kapuntukan na kilala bilang “Sleeping Lion Hill”. Ang proyektong ito ay sasaklaw 51,000 square meters sa mga baybaying barangay ng San Roque, Bay-bay, Pigcale, Sabang at Victory ng Lungsod ng Legazpi. Gagawin itong Seafront business, Tourism complex at IT Center para tugunan ang iba’t ibang serbisyong kailangan ng mga mamamayang Albayano at pati ng mga lokal at dayuhang turista sa bansa.

Ang proyektong ito ay sinimulan noong Enero 2007 at pinasinayaan noong Agosto 8, 2008. Ang implementasyon ng proyektong ito ay nahahati sa 3 phases at ang bawat isa rito ay may kanya-kanyang katangian at sukat ng lupaing sasaklawin.

a.       Sa Phase I, siyam (9) na gusali ang itatayo at gagawin itong Retail Area, Leisure & Amusement Park, Commercial Center/Mall, Celebration Plaza (Open-air Plaza – para sa mga convention, expos, trade fairs, concerts at iba pang malalaking aktibidad, Hotel & Spa, Convention Center at 30-meter Lighthouse. Ang Commercial Center/Mall ay itatayo sa lupaing may sukat na 12,000 sq.m. samantalang ang sa Hotel at Convention Center ay 14,500 sq. m.. Umaabot na sa PhP 450-500 M ang nagastos sa unang 3 building na sa kasalukuyan ay tinatayo. Inaasahan na sa Marso 2009, pito (7) sa siyam  (9) na gusali nito ay tapos na.

b.      Ang Phase II, ay mayroong  tatlo (3) o apat (4) na gusaling itatayo at  magsisilbing Information Technology Park (800 Seats Call Center) at sasaklawin nito kabuuang 31,000 sq. m. sukat ng lupain.

c.       Anim (6) namang gusali ang itatayo sa Phase III. Ilalagay ito sa may Kapuntukan Hill o Sleeping Lion. Kailangang magreclaim ng 500m mula sa baybayin upang maitayo ito. Sa kabuuan aabutin sa isang (1) ektarya ng lupain ang sasaklawin ng Phase na ito. Wala pang malinaw na datos kung sa ano nakadesenyo ito subalit  sa nakikita sa pagtrabaho sa ngayon nagmumukha itong isang pantalan.

Bukod sa mga nabanggit, magsisilbi rin itong port bilang jump-off point sa mga sumusunod na lugar:

§ Vera Falls sa Malinao (one of the tallest falls in Bicol)
§ Sula Channel (the country’s longest salty river known for its calmness)
§ Pototan Cave (famous for under ground river cave) sa Batan Island
§ Giant Manta Rays (the world’s fifth largest fish) ng Ticao Pass sa Masbate
§ Whalesharks (world’s largest fish) of Donsol, Sorsogon
§ Nag-aso Boiling Lake (Natural Jacuzzi)  sa Manito, Albay
§ Mayon Volcano
§ Water Sports Complex sa Camarines Sur
§ Misibis Discovery Bay ( the first Tourism Estate Zone in South Luzon with triple Class A classification by the Department of Tourism) sa Bgy. Misibis, Cagraray Island, Bacacay, Albay

Maliban sa pagtigil at paglilibang sa The Embarcadero ang mga turista ay maaaring mag-island hopping at cruise boat rides sa pamamagitan ng pagsakay sa fastcraft ferry transport at semi-submersible vessel. Sa pamamagitan nito ang mga turista ay maaaring makarating sa magaganda at di pangkaraniwang destinasyon tulad ng Misiibis Resorts, Estate & Spa at iba pang resorts na matatagpuan sa mga kratig na isla. Sa madalian , maaaring mamamasyal ang mga turista sa Mayon Volcano, Cagsawa Ruins, Lignon Hills at Cave. 

Layunin ng The Embarcadero | Ayon sa LGU-Legazpi sa pamamagitan ni Mayor Rosal at ng developer nito, layunin ng proyektong ito na magsilbing take-off point ng pang-ekonomiyang pag-unlad ng lungsod ng Legazpi at buong lalawigan ng Albay. Nais nitong pagandahin ang katayuang pang-negosyo ng lungsod, magkaroon ng estable at tuloy-tuloy na pagkakakitaan ang lokal na pamahalaan, magbukas ng maraming oportunidad ng pagkakakitaan para sa mga naninirahan sa paligid ng proyekto, maglikha ng 2,400 na trabaho at sa mga itatayong shops at bistros 3,400 na trabaho na singhalaga ng P400 milyon – P450 milyong sahod sa bawat taon.

May-ari at Developer |  Ang The Embarcadero ay “initiative project ng Sunwest Group of Companies, isang pribadong korporasyon na pag-aari ni Elizaldy Co bilang CEO/President. Kabilang sa Sunwest Group of Companies ay ang Misibis Land Inc. , Embarcadero Land Ventures, Hotel Venezia, Inc., Sunwest Water and Electric Co, Inc. (SUWECO) na may Hydro Plant (2.3 megawatts) sa Catanduanes ; solar and wind power(2.7 megawatts) sa Bgy. Misibis, Cagraray Island, Bacacay, Albay; sa Antique (8 megawatts) mini-hydro electric at ang Sunwest Construction and Development Corporation, Bonot, Legazpi City na pangunahing developer ng The Embarcadero. Ang tumatayong project manager ay si Vitaliano Ubaldo Jr. , habang si Jerry Beja naman ang project engineer.

Ang iba pang kumpanya na imbwelto sa proyektong ito ay ang mga sumusunod:

a.       BN Group Proprietary Limited na nakabase sa Autralia ang gumawa ng masterplan at disenyo
b.      Excore  ang nangangasiwa sa real estate management
c.       Hotel Systems of Asia, Inc (HSAI-Raintree Partners) ang mangangasiwa sa operation and hotel management (ito rin ang mangangasiwa sa Misibis at Hotel Venezia)
d.      Foodparks ng Raintree sa food service. ( Annabella Wisniewski president nito)
e.      PLDT, Bayantel, Digitel, PT&T at Globe ay ilan sa mga telecom company na magbibigay ng kanilang serbisyo sa IT Park
f.        Albay Informations and Communications Technology Association (AICTA) ang mamamahala sa pag-engganyo ng negosyo, outsourcing firms at sa pagsasanay ng mga tauhan para sa IT Parks.  Ang President ay si Rosemarie Rey na siyang CEO din ng SLTCF.

Ang proyektong ito ng SGC, ay buong-buo na sinusuportahan ng LGU-Legazpi, NEDA-Region V sa ilalim ng Tourism Destination Rehabilitation/Development Progam. Lubos din itong itinataguyod ng Department of Tourism sa pangunguna ni Secretary Ace Durano na bumisita nang pasinayaan ito noong August 8, 2008, kasama si  DOT Bicol Director Maria “Nini” Ong-Ravanilla.
 
Pagsusuri |  Sa kabuuan ang The Embarcadero ay isang pang-eko-turismong proyekto ng gobyerno at pribadong negosyo. Itinataguyod nito ang pang-ekonomiyang programa ng rehimeng Arroyo na dikta ng mga dayuhang bangko at iba pang kapitalistang pinagkakautangan ng gobyerno.
 
Layunin nitong magkamal ng malaking tubo sa pamamagitan ng pag-akit ng mga dayuhang puhunan at turismo upang punuan ang taun-taong kakulangan sa badyet at luho ng gobyerno. Sa halip na paunlarin ang pamayanan at kabuhayan ng nasa paligid nito tiyak na magdudulot ito ng malawakang demolisyon, dislokasyon, kahirapan at pagkasira ng kalikasan.

Epekto sa Kabuhayan ng Mamamayan at sa Ating Kapaligiran.  Ang pangunahing tatamaan ng masamang epekto ng proyektong ito ay ang mga maralitang taglungsod, mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante na nasa paligid nito at karatig na mga isla. 

Land Conversion, Speculation & Demolition.  Unti-unting binabago ng lokal na pamahalaan, DENR, DA-BFAR at DAR ang klasipikasyon o gamit ng lupa mula sa pagiging baybay dagat o swamp area patungong reclaimed at komersyal. Kaya’t hindi nakapagtataka na malaganap sa ngayon ang espekulasyon sa tunay na halaga ng lupa sa kinatitirikan ng proyekto pati sa paligid nito. Dumarami ang bilang ng mga ganid na negosyante, pulitiko at panginoong maylupa na gustong umangkin sa mga lupaing ito. Kaliwa’t kanan ang kinakaharap na kasong illegal squatting at demolisyon ng mga maralitang nakatira sa paligid ng Embarcadero sa ngayon. Dahil sa proyektong ito nanganganib din ang kabuhayan ng iba pang maralita at maliit na negsoyante na nakatira sa lupaing labas ng proyektong ito dahil maraming developer at kapitalista ang nagbabalak na magtayo ng subdibisyon at iba pang negosyo sa paligid nito. Sadyang papaburan ang mga ito ng gobyerno hindi lamang dahil sa karagdagang buwis kundi dahil lalabas na eyesore sa mga turista ang mga natititrang barong-barong sa paligid nito. Seguradong na palalaparin at lilinisin ang mga kalsada at babaguhin ang ruta ng mga drainage cannal papuntang dagat. Isasara ang dating dinadaanan ng baha mula sa lungsod upang mapanatili ang kalinisan ng tubig para sa binabalak na water sports.

Dislokasyon sa Kabuhayan, Kawalan ng Trabaho at Paglaganap ng Anti-sosyal na Gawain.  Kasinungalingan ang pangakong libu-libong trabaho para sa mga naninirahan dito. First-class at kailangang pumasa sa international standard ang serbisyo sa mga turista kaya’t skilled workers ang dapat magtrabaho dito. Tiyak kakaunting bilang ng mga manggagawa ang papasa sa mataas na pamantayang ito dahil sa kakapusan sa kaalaman at kasanayan bunga ng dinanas na kahirapan. Pangingisda, kargador at iba pang odd-jobs ang nakasanayan ng mga mala-manggagawang nakatira dito. Sakaling makapagtrabaho man, sa mababang posisyon o katungkulan ito mailalagay. Hindi magiging tiyak ang kaseguruhan sa trabaho, maayos na sweldo at benepisyo at higit sa lahat walang garantiya sa karapatan bilang manggagawa at tao.

Ang pangako magandang opurtunidad para sa mga lokal na negosyante ay mapupunta sa wala dahil ang mga negosyong kakabit nitong proyekto ay pawang mga capital intensive business o malaking puhunan ang kinakailangan bago at sa panahon ng operasyon. Dahil sa tubo na kailangan ng pribadong nag-mamay-ari at buwis na kailangan ng gobyerno tiyak na tataas ang renta ng mga pwesto sa loob at labas ng Embarcadero. Sa halip na tulungang umunlad ang mga ito, itataboy ang negosyo nila papalayo o tuluyan na itong magsasara dahil sa pagkalugi katulad sa nangyari matapos na magsulputan ang malalaking malls sa Legazpi dahil sa kompetisyon sa negosyo.

Ang ganitong uri ng proyekto ay maaaring magluwal ng panibagong industriya - - ang sex & illegal drugs industry katulad ng nangyayari sa mga sikat tourist destination sa ngayon. Dahil sa labis na kahirapan at dislokasyon sa kabuhayan mapipilitan ang mga kababaihan, kalalakihan pati mga bata na pasukin ang anti-sosyal na trabahong ito. Maari din itong maging daluyan ng pagbebenta ng ipinagbabawal ng droga at iba pang iligal na gawain.

Domino Effect sa Iba pang Isla at Tuluyang Pagkasira ng Kapaligiran. Engrande at ambisyoso ang The Embarcadero kaya’t maraming lugar na tinguriang tourist spot ang sasaklawin nito. Kasabay kasi ng proyektong ito ang pagtatayo sa iba pang isla ng Albay ng iba pang lugar aliwan para sa mga turista. Isa na rito ang Misibis Resort, Estates & Spa sa isla ng Misibis at balaking pagtatayo ng mga resort sa iba pa. Dahil ditto, lumalaganp na rin sa mga islang ito land-use-conversion at pagpapalit ng klasipikasyon ng katubigan sa dagat. Itataboy nito ang mga magsasaka at mangingisda papalayo sa kanilang pinagkukunan na kabuhayan.  Gagamitin ng mga pribadong kapitalista, panginoong maylupa at gobyerno ang RA----- o AFMA para “legal” na itaboy ang mga mangingisda sa municipal fishing ground patungong “oceans” gamit ang maliliit na sasakyang pandagat at atrasadong panghuli ng isda. Idedeklarang marine reserves naman ang mga lugar na may corral reef at fish sanctuary kaya’t bawal ang mangingisda rito pero maaaring puntahan ng mga turistang mahilig sa diving, sailing at snorkeling.

Sa ganitong kalagayan, hindi lamang kabuhayan ang tatamaan ng masamang epekto ng proyekto kundi pati na rin ang mayamang kapaligiran ng Albay. Sa ngayon hinawan na ang ilang kagubatan sa Brgy. Misisbis para lang pagtayuan ng mga kalsada at gusaling magbibigay serbisyo at kasiyahan sa mga turista.

Kurapsyon at Di-tiyak na Kita para sa Gobyerno.  Sa pagsimula pa lamang ng proyekto tiyak may kumita na ng malaki mula dito. Matahimik itong pinasimulan at bahagya na ilinantad publiko ng maitayo ang mga istruktura sa paligid nito. Hindi maitatago na nagkaroon na ng malawakang lagayan o kurapsyon sa pag-aayos lamang sa simula ng mga dokumento nito.  Una, papaano naisapribado ang pag-aari o kontrol ng lupang kinatitirikan nito at pangalawa, papaano at ano ang prosesong dinaanan sa pag-reklasipika ng gamit ng lupa mula sa pagiging babayin at piyer patungong komersyal? Ilan lamang ito sa mga katanungan at dahilan upang magkamal ng limpak-limpak na ganansya ang iilang pribadong tao, pulitiko at empleyado ng gobyerno.

Sa panahon ng buong operasyon ng proyekto tiyak na lalawak pa ang kurapsyon dahil sa pag-uunahan ng mga kapitalista na makapwesto sa mga negosyong nakapaloob dito. Sa kabuuan, magiging gatasan lamang ito na mga pribadong negosyo, pulitiko at gobyerno.

Malabo ring tangkilikin ang serbisyo nito sa pangmatagalan ng mga lokal at dayuhang turista. Patuloy na tumitindi pandaigdigang krisis na dulot ng sistemang kapitalismo, kaya’t ang pamamasyal at pagwaldas ng pera para sa pansariling layaw ay hindi na prayoridad ng mga tao sa ngayon. Dahil dito, maaaring maging sleeping elephant sa bandang huli ang The Embarcadero at iba pang negosyong kakabit nito. Sa halip na maging stable o madagdagan ang buwis na makokolekta ng gobyerno mauuwi ito sa wala.

Kahilingan ng mamamayang Albayano at buong Sambayanang Pilipino. Sa kagya’t kahilingan ng mga maralitang apektado ng The Embarcadero at iba pang negosyong nakapaloob dito ay proyekto ay ipatigil o suspendihin ang proyekto at sa halip ay maglunsad muna ng malawakang konsultasyon sa pagitan ng pribadong nag-mamayari, gobyerno at mamamayang Albayano. Higit na kailangan ng mga maralita ang pagtatayo ng makatao at disenteng tirahan, trabaho at maayos na serbisyong sosyal. 

Anu-ano ang Maaaring Gawin ng mga Mamamayang Albayano at Bikolano.Maglunsad ng malawakang edukasyon at propaganda upang maunawaan ang isyu na may kaugnayan sa proyektong ito. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga barangay talakayan, house to house-discussion lalo na sa mga apektadong barangay. Forum at symposium naman ang maaring ilunsad sa loob at labas ng paaralan upang itambol ang mga isyu sa sector ng kabataan, akademya, rehilyoso, propesyunal at iba pa. Kailangan ding maging mahusay sa media work (tri-media) upang mas malawak na maipalaganap ang isyu sa buong rehiyon at bansa. Kailangang gamitin ang iba’t ibang anyo ng propaganda upang medaling maunawaan ng mamamayan ang isyu.

Tuloy-tuloy na ilunsad ang gawaing pananaliksik upang mapalalim ang pag-unawa ng mamamayan sa isyu. Maaari itong isagawa sa pamamagitan ng kolektibo o grupong paghahanap ng impormasyon.

Ang lahat ng inisyatibang nabanggit sa itaas ay kailangang magluwal ng mas malawak na bilang ng organisadong masa sa paligid at labas ng proyekto. Maaaring ma-organisa ang mga kababaihan, kabataan, mangingisda at mala-manggagawa. Sa rurok, nito maaaring itayo ang isang alyansa ng mga mamamayan upang magsilbing pangunahing makinarya para sa kamapanyang masa.

Maaring Makabig – Vendors, Kargador, maliliit ng negosyante, mangingisda, govt agency. Dapat ding maglunsad ng sama-samang pagkilos ang mga mamamayan upang tutulan ang proyektong ito. Maaaring ilunsad ang tuloy-tuloy na pakikipag-usap o dialogue sa LGU ng Legazpi at iba pang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa proyekto. Kailangang papalaki ang bilang ng napapakilos upang magkaroon ng sapat na impact  at makakuha ng malaking suportasa publiko.

Mga Slogan
 
EMBARCADERO Salot sa Kabuhayan at Kapaligiran!
Kabuhayan at Makataong Serbisyong Sosyal Hindi Proyektong Pang-sosyal!
Mamamayan Muna Hindi Dayuhan!
Proyektong Pabahay Hindi Demolisyon!
Konsultasyon Hindi demolisyon!
Ipaglaban at Itaguyod ang Tunay na Repormang Agraryo at Pambansang Industriyalisasyon . . . . .
Maralita Magkaisa, Labanan ang Proyektong Maka-dayuhan!
Iba pa.