Balitang Pahayag : Agosto 11
Balitang Pahayag
Ika-11 ng Agosto, 2012
Sibilyang tinamaan ng mortar at namatay, inilibing na; Grupo ng KAWAGIB kinondena ang pangyayari at nanawagang itigil na ang operasyong militar
Lungsod ng Cotabato- Kahapon ay inilibing na ang sibilyang Moro na namatay matapos tamaan ng bala ng mortar na pinakawalan ng mga sundalo sa Brgy. Satan, Shariff Aguak, Maguindanao. Kinumpirma ng grupong KAWAGIB na ang sibilyang namatay ay si Ismael Abdul, isang magsasaka na bumalik lamang sa kanilang tahanan upang kunin ang naiwang kalabaw sa kasagsagan ng pagbakwet ng mahulugan siya ng bala ng mortar na sanhi ng kanyang agarang kamatayan pati na ang alaga nitong kalabaw.
Ayon kay Baiali Indayla, tagapagsalita ng KAWAGIB “mariin naming kinukundena ang pangyayaring ito kung saan nagiging target ng operasyong militar ang mga sibilyang walang kinalaman sa kaguluhan. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyang Moro”.
“Malinaw din itong paglabag sa International Humanitarian Law na pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas kung saan nakasaad na sa panahon ng gyera, ang mga non-combatants o civilians ay hindi dapat madamay o maging target ng anumang digmaan”, ani Indayla.
“Ngunit kabaliktaran ang nangyayari, sa halip ang mga sundalo mismo ang lumalabag sa karapatang pantao ng mga sibilyan at tinatarget sa mga pambobomba ang mga komunidad ng mga Moro”, dagdag pa ni Indayla.
“Nakita naman natin, nang magsimula ang bakbakan sa pagitan ng BIFF at mga sundalo, direktang mga kampo ng sundalo ang hinarass ng mga BIFF at hindi ang mga sibilyan, ngunit ng gumanti ang mga militar at naglunsad ng operasyon, ang mga komunidad ng mga sibilyan ang kanilang tinarget sa pagpapakawala ng mga bala ng mortar kaya’t may mga sibilyang natatamaan”, sabi pa ni Indayla.
Gayundin sa Pikit, North Cotabato, ayon pa sa KAWAGIB, ang dahilan ng pagbakwet ng mga residente ng Brgy. Dalingaoen ay dahil nambomba rin ng 81 at 60 mm mortar ang mga sundalo ng 7th IB na nakaposisyon sa detachment ng RPSB 12 ng PNP sa hi-way ng Brgy. Dalingaoen noong ika-7 ng Agosto bandang alas-7 ng gabi.
“Nakita mismo namin, 10 metro lang ang layo ng binagsakan ng bala ng mortar mula sa bahay ng isang sibilyan, kaya takot na takot ang mga residente at napilitang lumikas hindi pa dahil may mga rebelde kundi dahil sila ang pinapaputukan at binobomba ng mga sundalo”, sabi pa ni Indayla.
Aniya, “itinuturing na lang ng gubyerno o ng mga sundalo na collateral damage ang mga sibilyan tuwing may gyera kaya wala silang pakialam kung may matamaan o mamatay sa pagpapakawala nila ng mga bomba tulad na lamang ng nangyari noong Setyembre 08, 2008 kung saan isang pamilya kabilang ang mga bata at buntis sa Brgy. Tee, Datu Piang ang minasaker ng mga sundalo”.
Sa kasalukuyan ay mayroong ng mahigit sa tatlong libong (3,000) pamilya ang mga bakwet na nananatili sa mga evacuation centers sa Datu Saudi Ampatuan at mahigit dalawang daang (200) pamilya ang bakwet sa Brgy, Batulawan, Pikit. Natigil na sa pag-aaral ang mga kabataan dahil sa gyera at nahihirapan din ang mga bakwet dahil ngayon ay buwan pa ng pag-aayuno.
Mariin ding kinokondena ng KAWAGIB ang pagkakampo ng mga sundalo sa gitna ng mga komunidad ng sibilyan lalo na sa mga paaralan dahil nalalagay umano sa panganib ang buhay ng mga sibilyan.
“Alam naman nating lahat ng military installations o isturuktura na may kinalaman sa mga sundalo sa batas ng gyera ay target ng kanilang kalaban, bakit naman naglalagay o nagtatayo sila ng mga detachment sa gitna ng mga sibilyan, katulad ng detachment ng 38th IB na nasa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan”, ani Indayla.
Sabi pa ni Indayla, “Kung talagang pinoprotektahan ng mga sundalo ang buhay at kapakanan ng mga sibilyan, dapat ay umalis sila sa mga komunidad ng sibilyan at magtayo ng kanilang kampo o detachment na malayo sa sibilyan nang sa gayon ay hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga sibilyan.”
Nanawagan din ang grupo na itigil na ang ginagawang military operation sa Maguindanao at North Cotabato at sa halip ay resolbahin ang ugat ng problema kung bakit may mga Bangsamoro na nagrerebelde sa gubyerno at humihingi ng karapatan sa sariling pagpapasya.
Sa huli, naniniwala pa rin ang KAWAGIB na ang armadong tunggalian na nagaganap sa pagitan ng BIFF, MILF at ng gubyerno ay resulta ng historikal na panunupil, pambansang pang-aapi at kawalan ng panlipunang hustisya sa mga Bangsamoro.
“Hindi ito mareresolba sa pamamagitan ng militarisasyon ng gubyerno, sa halip lalo lamang titindi ang gyera na nagreresulta ng matinding kahirapan at mga paglabag sa karapatang pantao”, ani Indayla.
“Matagal na naming panawagan na dapat ay magkaroon ng political will ang gubyerno at maging sinsero sa pagbibigay ng makatotohanang karapatan sa sariling pagpapasya para sa Bangsamoro. Sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng pag-iral ng tunay at pangmatagalang kapayapaan” dagdag ni Indayla.
“Kaya’t nuulit pa rin namin ang aming panawagan sa administrasyong Aquino na itigil na ang operasyong militar at paalisin ang mga sundalo sa mga komunidad ng bangsamoro. Dapat ay imbestigahan rin ng Commission on Human Rights ang mga paglabag sa karapatang panato sa mga lugar na may armadong tunggalian”, pagtatapos ni Indayla.###
Reperensiya: Bai Ali Indayla, 0946.5015.477 o (064)421-5680
| Attachment | Size |
|---|---|
| KAWAGIB Nananawagang Itigil na ang Operasyong Militar.pdf | 21.05 KB |
Similar entries
- Dagdag na kagamitan pandigma ng AFP, pinangangambahang paghahanda ng gyera sa Mindanao
- Balance Piston sa Mindanao, tinututulan ng grupong KAWAGIB
- KAWAGIB, kinondena ang pamamaslang sa lungsod at nanawagan ng Hustisya para sa mga biktima
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City
- Kawagib condemns death of a child due to military strafing
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (2)
- Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison
- Factsheet ng Demolisyon sa Floodway, Pasig noong Pebrero 25
- Banta ng demolisyon sa kabahayan ng North Harbor, pinalagan ng manggagawa at maralita!
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)


