KAWAGIB kinondena ang pagpatay ng mga tropang kano sa mangingisda sa Basilan, muling nanawagang palayasin ang mga tropang kano sa Mindanao

Posted by ibonperc
20 Apr 2012
vernacular

Press Release
April 21, 2012
 
KAWAGIB kinondena ang pagpatay ng mga tropang kano sa mangingisda sa Basilan, muling nanawagang palayasin ang mga tropang kano sa Mindanao!
 
Cotabato City- Mariing kinokondena ng KAWAGIB ang panibagong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga tropang kano sa Basilan na nagsasagawa ng Balikatan Exercise.

Nito lamang Abril 18, taong kasalukuyan bandang alas-7 ng gabi sa Brgy. Baluk-Baluk, Munisipyo ng Hadji Muhtamad sa probinsiya ng Basilan habang pauwi na sa kanilang tirahan mula sa pagbebenta ng isda sa Isabela City ang bangka ng mangingisda ay nabunggo ng naval ship ng mga tropang kano na kabilang sa JSOTFP na nagsasagawa ng war games. Patay kaagad ang mangingisda na si Ahbam Juhurin, 56 habang sugatan naman ang kanyang 26-taon na anak.

Ayon kay Bai Ali Indayla, tagapagsalita ng KAWAGIB, “ang panibagong kaso na ito ay dagdag lamang sa mas marami pang bilang ng paglabag sa karapatang pantao na mismong mga tropang kano sa Mindanao ang may kagagawan. Ilan sa mga dati ng biktima ay sina Buyung-buyong Isnijal, Arshid Baharun, Bu Bizma, Gregan Cardeno at mga pamilyang minasaker sa Sulu, atbp.”

“Ang masaklap lang, sa mga kasong ito ng paglabag, walang hustisyang nakakamit ang mga biktima dahil sa pagkiling ng gubyerno sa mga tropang kano at pagiging untouchable ng mga tropang kano na nang-aabuso o lumalabag”.

Naniniwala ang KAWAGIB na hangga’t nagpapatuloy sa Balikatan exercises ang mga tropang kano sa Mindanao, ay darami pa ang magiging biktima ng paglabag, kaya naman muling nanawagan ang grupo na itigil na ang Balikatan exercise, ibasura ang VFA at paalisin na sa Mindanao ang mga tropang kano.

“Hindi tulong ang dala ng mga tropang kano na ito kundi ginagamit lamang ang Mindanao bilang base militar para sa pang-ekonomiyang interes nito sa Mindanao, banta sa kapayapaan ang dulot nila habang nililinlang tayo sa pamamagitan ng mga proyektong ipinapautang sa gubyerno na hindi naman solusyon sa problema sa Mindanao”, dagdag pa ni Indayla.

Sinabi rin ni Indayla na totoong kailangan ng modernisasyon ng AFP upang maging handa sa anumang banta ng ibang bansa ngunit hindi ito dapat maging pala-asa sa gobyerno ng US na nanlilinlang lamang, lumalabag pa sa karapatan ng mga sibilyan dahil yumuyurak ito sa soberanya ng bansa.

“Kailangang magkaisa na ang mamamayan para sa pagtatanggol sa karapatang pantao, pagdepensa sa mga likas na yaman ng Mindanao at pagtatanggol ng soberanya at kalayaan ng Pilipinas”, ani Indayla. ###

Para sa Reperensiya:
BAI ALI INDAYLA
Tagapagsalita ng KAWAGIB
Convenor ng Patriotiko Mindanao
09465015477, (064)421-5680
 

AttachmentSize
(0421)KAWAGIB kinondena ang pagpatay ng mga tropang kano sa mangingisda sa Basilan, muling nanawagang palayasin ang mga tropang kano sa Mindanao.pdf17.6 KB
Tags: