Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City

Posted by webadmin
16 Apr 2010
vernacular

Kami ang maralitang mamamayan naninirahan sa tabing-riles ng Muntinlupa City na biktima ng marahas na demolisyon at iniwang walang tirahang malilipatan.  Matagal na kaming nakatira sa tabing-riles. Marami sa amin ay dito na ipinanganak, nag-asawa at nagkapamilya. Ang mga anak namin ay dito na lumaki hanggang magkapamilya.

Kaya kami napadpad dito sa riles mula sa iba’t ibang probinsya dahil sa kawalan ng lupang sasakahin at kawalan ng hanapbuhay sa probinsya. Ngunit ganundin ang prublema dito sa syudad: walang hanapbuhay o kaya ay kapos ang kita para buhayin ang pamilya at pag-aralin ang mga anak.

Marami sa amin ay walang trabaho o kaya ay pa-extra extra lang sa trabaho. Ang ilan ay naghahanap-buhay bilang magbobote, nangangalakal ng basura, construction worker, kontraktwal, laborer, helper, manininda, naglalako, labandera, driver, sewer sa factory, katulong, nagrerepair ng sapatos, at pahinante. Ngunit ang aming kinikita ay kapos pa rin para sa pangangailangan ng aming mga pamilya.

Lumala ang aming prublema nang idemolis ang aming mga bahay mula Abril hanggang Setyembre ng 2009 dahil sa proyektong Northrail-Southrail Linkage Project (NSLP) sa ilalim ng Philippine National Railways Modernization and Rehabilitation Project (PNR-MRP).  Hindi kami nakasama sa proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Muntinlupa. Kami ay kanilang diniskwalipika, tinanggihan at pinagkaitan ng pabahay ng National Housing Authority.  Ilan sa amin ay binigyan ng mumong halagang P2500 bilang financial assistance mula sa lokal na gubyerno ng Muntinlupa.

Pinangakuan kami ng pabahay ng lokal na gubyerno ng Muntinlupa sa 11 ektarya ng lupa sa loob ng NBP Reservation Area. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin.  

Marami sa amin ang nagtayong muli ng mga kubol o barong-barong dito sa riles at umatras sa mga bakanteng lote na pag-aaring pribado sa tabing riles.  Ang iba naman ay nangupahan, nakikitira sa kamag-anak at kaibigan. Ngunit sa hirap ng buhay, yong ilan ay bumalik na sa tabing riles.  Wala kaming kakayanang umupa ng bahay kaya’t nagtitiis kami mabuhay dito sa riles. Nagtiis kami sa kawalan ng kuryente, tubig at kubeta. Marami sa aming mga anak ang hindi na nag-aaral at marami pa ang napipintong tumigil sa pag-aaral. Madalas din kami kapitan ng sakit tulad ng ubo, sipon, lagnat, trangkaso at hika dahil sa alikabok at polusyon.  Gustuhin man naming magtrabaho ay wala namang mapasukan, at kung meron may ay kapos ang sahod para sa aming pangangailangan. Gustuhin man naming itaguyod ang aming mga pamilya ay wala naman kaming pera para sa pagkain, bahay, edukasyon, at pagpapagamot kung may nagkakasakit.

Nananatili ang banta ng demolisyon sa aming mga pamilya dahil nagpapatuloy ang proyektong North Rail-South Rail Linkage Project-PNR MRP. Tuloy-tuloy ang pagbabanta ng clearing operations kapwa ng mga elemento ng PNR at gwardya ng mga may-ari ng pribadong lupa na kinatitirikan ng aming mga dampa. Hindi rin naman kami isinasali ng NHA sa mga proyektong pabahay kahit nagpabalik-balik kami sa kanilang tanggapan. Alam naming delikado at bawal tumira sa riles ngunit saan kami pupunta?  

Kaya’t kami ay naninindigan ngayon na sama-sama naming ipaglalaban ang aming mga karapatan at kahilingan  bilang mga tao at bilang mamamayan ng bayang ito.  Ang mga kahilingang ito ay hindi na lang para sa amin, ito’y para sa kinabukasan ng aming mga anak.  Kaming mga nakalagda ay nagkakaisa sa mga sumusunod na kahilingan:

Magkaroon kami ng permanenteng trabaho o kabuhayan at pagkakitaan.

  1. Magkaroon kami ng mas maayos at desenteng tirahan. Maisama kami sa socialized housing ng pamahalaan (pambansa man o local) na abot-kaya, may serbisyong panlipunan at kabuhayan. Kilalanin ng pamahalaan ang masterlist ng aming mga samahan.
  2. Hangga’t wala pang proyektong pabahay sa amin ay payagan kaming tumira pansamantala sa tabing-riles nang walang banta ng demolisyon; o kaya’y bigyan kami ng pansamantalang matitirahan na mas maayos kaysa sa tabing-riles.
  3. Magkaroon ng ilaw/kuryente at tubig ang aming mga komunidad.
  4. Magkaroon ng regular na check up at pamamahagi ng libreng gamot o malapit na health center sa aming komunidad.
  5. Bigyan kami ng tulong materyal upang makapagpagawa kami ng aming sariling palikuran.
  6. Bigyan ng kaukulang kalinga at pangangalaga ang aming mga anak; pagkain, bitamina, gamot, damit at tulong materyal at pinansyal para sa kanilang pangangailangan sa pag-aaral.

Ang mga nakahanay na mga kahilingan na ito ay maari pang madagdagan batay sa mga kongkretong kahilingan ng iba pa naming kasamahang biktima ng marahas na demolisyon, kalupitan, kawalan ng desenteng paninirahan at katarungan.

Kami ay kaisa at kasama ng mamamayang Pilipino sa pagkakamit ng katarungang panlipunan at pagsusulong ng makabuluhang pagbabago upang tuluyan nang magwakas ang kahirapan at kagutuman sa ating bayan.

Kami ay nagkakaisang sumasang-ayon at kikilos sa abot ng aming makakaya para sa pagsasakatuparan ng mga kahilingang ito.