Panggagahasa sa isang health worker, kinondena ng mga kababaihan

Posted by Moro ESCR
29 Sep 2010
vernacular

September 28, 2010/Cotabato City- Mariing kinondena ng grupong Gabriela ang panggagahasa sa isang nars sa South Upi, Maguindanao noong nakalipas na sabado, Setyembre 25.

Ayon kay Jaquelane Billiones, tagapagsalita ng Gabriela sa lungsod, ang paggahasa sa nasabing nars na itatago sa pangalang “Florence” ay larawan lamang ng tumitinding kaso ng diskriminasyon at pagsasamantala sa mga kababihan bawat taon.
 
Ginahasa ang nasabing nars ng hindi pa natukoy na bilang ng mga kalalakihan noong gabi ng Setyembre 25 at natagpuan hatinggabi  sa isang masukal na lugar malapit sa Municipal Hospital ng South Upi.
 
“Nananawagan kami sa mga awtoridad at lokal na pamahalaan ng South Upi na maglunsad ng isang masinsing imbestigasyon at gawaran ng kaukulang parusa ang mga perpetrators na gumawa nito kay Florence,” pahayag ni Billiones.
 
Samantala naglunsad ng indignation march rally ngayon araw ang iba’t-ibang sector sa pangunguna ng health sector partikular ang Integrated Provincial Health Office o IPHO, Gabriela at Kawagib sa lungsod mula sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC) patungong City plaza bilang protesta at paggiit ng hustisya para kay Florence.
 
Ayon kay Billiones nakapagtala ang Gabriela noong 2009 ng 9,585 na kaso ng pang-aabuso laban sa mga kababaihan at kabataan (violence against women and children o VAWC).
 
Sa pagtatantya nito mayroong nagagahasa na dalawang kababaihan bawat araw sa nakalipas na taon.

Nalulungkot ang Gabriela sa sinapit ni Florence dahil walang malinaw na seguridad at proteksyong tinatanggap ang mga health workers lalo na nag mga kababaihan laban sa iba’t- ibang porma ng pang-aabuso lalo na sa mga rural areas.##
 
 

Tags: