Paninindigan ng mga Magsasaka sa Kabikolan Kaugnay sa Hacienda Luisita / Compromise Agreement, sa Hacienda Peralta sa Sorsogon at sa iba pang mga Usapin sa Lupa sa Kabikolan

Posted by Bikol ESCR
24 Aug 2010
vernacular

Kaming mga magsasaka sa Kabikolan ay sumusuporta sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita para sa pagbabasura ng Compromise Agreement. Gayundin, ang mga magsasaka sa Kabikolan ay naninindigang tuloy-tuloy na lalabanan ang pagpapatupad ng hungkag na CARP o CARPER!

Kung kikilalanin ng Korte Suprema ang kasunduan, mababalewala ang desisyon ng Department of Agrarian Reform at ng Presidential Agrarian Reform Council na sumasang-ayon na ipamahagi ang 6,453 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka. Gagawin din nitong legal ang SDO bilang iskema ng repormang agraryo, sa kabila ng pagiging maanomalya at hindi makatarungan nito. Magpapatuloy rin ang mga pagsasamantala na naranasan ng mga magsasaka at manggagawang bukid tulad ng mababang sahod na umaabot lamang sa P9.50 kada araw na siyang naging dahilan ng malawakang protesta noong 2004, na nauwi sa pagkamatay ng pitong tao sa tinaguriang Hacienda Luisita massacre.

Tuluyan na nitong hahadlangan ang adhikain para sa tunay na reporma sa lupa, hindi lamang ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita kundi maging sa 11 iba pang lupain na nasasailalim sa SDO sa buong bansa.

Malaking hamon at pagsubok sa bagong gobyernong Aquino ang isyu na ito dahil ang HLI ang simbolo ng kabiguan ng reporma sa lupa sa bansa. Una nang nakalusot ang HLI sa repormang agraryo noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Nanganganib na makalusot muli ito sa ilalim ng rehimen ni Benigno Simeon Aquino III. Ang kanyang kawalan ng positibong aksyon sa isyu, lalo’t mga kamag-anak niya ang sangkot, ay pumapabor sa mga galaw ng HLI management. Ang ugat ng sigalot sa Luisita ay ang monopolyo sa lupa ng pamilya Conjuangco-Aquino. Anumang bihis ang gawin ng management, tulad ng SDO, ito pa rin ay monopolyo sa lupa at pyudal na pagsasamantala.

Katulad sa Hacienda Luisita, ang mga magsasaka sa Bikol ay nararanasan rin ang pagsasamantala dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa at  kahungkagan ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kung saan nakapaloob ang SDO na ipanapatupad sa Hacienda Luisita.

Gayundin, ang mga magsasaka sa Bikol ay mga biktima rin ng pandarahas at paglabag sa karapatang pantao ng mga kasabwat na elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para protektahan ang malalawak na lupain ng mga malalaking Panginoong Maylupa sa Bikol at para rin sa kanilang operasyong anti-insurgency.

Ang isa sa pinakahuli at matingkad na pangyayari sa Bikol ay ang iligal na pag-aresto ng mga tauhan ng CIDG sa 10 magsasaka ng Hacienda Peralta sa Sorsogon noong Hulyo 5, 2010 dahil sa gawa-gawang kaso na isinampa ng Panginoong Maylupa samantalang ang kasong ito ay hindi kinilala ng DAR dahil ang lupang Peralta ay deklarado na noon pang 1994 na pampublikong lupa at dapat naipamahagi na sa mga magsasaka.

Noong nakaraang Agosto 5 at 9, 2010 naman ay dalawa na namang magsasaka ang nakaranas ng pangdarahas, pag-aresto at pwersahang pagkuha ng kanilang produkto sa Irosin, Sorsogon at Labo, Camarines Sur ng mga militar.

Ilan lamang ito sa napakaraming kaso at paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka sa Kabikolan at ang lahat ng pinag-uugatan nito ay ang matagal nang problema sa lupa kung saan nananatili ang monopolyo sa lupa at pagsasamantala ng mga Panginoong Maylupa.

Ilan sa mga halimbawa nito ang Hacienda Mitra (Albay), Hacienda Berenguer at Peralta (Sorsogon), Hacienda Almeda, Castillo, Marquez, Avilla, Manobay,  Mercado, Tan, Paje, Romualdez at BF Homes (Camarines Sur), Hacienda Lopez, Pimentel, mga lupain nina King, Alegre at Giap (Camarines Norte), Hacienda Fernandez (Catanduanes), Hacienda Yangco, Rantso Pecson at Triple A (Masbate)  na hanggang sa ngayon ay hindi matapos-tapos na usapin, panunupil at kawalang katiyakan sa pagmamay-ari sa lupa. Libo-libong ektaryang lupain na kontrol ng mga PML at dayuhang kapitalista habang libo-libong magsasaka ang kulang o walang lupang nabubungkal ang umiiral na kalagayan sa Kabikolan.

Sa siyam  na taon ni Gloria sa pwesto, walang glorya kaming naranasan o naramdaman man lamang – kundi impyerno! Lalo lamang kaming nasadlak sa kahirapan at nakaranas ng pinakamatinding krisis sa kabuhayan.

Sa pagkakaupo ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III, ganito pa rin ba ang aming mararanasan? Ang patuloy na panlilinglang at panunupil sa magsasaka ng gobyerno at mga ahensya nito? Ang patuloy na paggamit ng militar para protektahan ang mga Panginoong Maylupa sa pagpapanatili ng kontrol sa malalawak na lupain na matagal ng binubungkal at pinagyayaman ng mga magsasaka?

Ang nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita na pag-aari ng angkang Cojuangco-Aquino, na kapamilya ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III ay hamon namin sa bagong Presidente na pumili ng “tuwid na daan” – ang ipamahagi ang 6,453 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita at hindi ang “baluktot na daan” – ang ipatupad ang Compromise Agreement.

Hamon din namin ang pagpapatupad ng Tunay na Reporma sa Lupa sa pag-aapruba ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Ito ang “social justice” na kanyang pinangangalandakan, na mahabang panahon ng ipinagkakait sa mga magsasaka hindi lamang sa Hacienda Luisita at sa Bikol kung hindi sa buong bansa.

Suportahan natin ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Ipanawagan natin ang mga sumusunod mula sa Korte Suprema at sa rehimeng Aquino:

Ibasura ang Compromise Agreement!

Ibasura ang Stock Distribution Option!

Ibasura ang CARP / CARPER!

Ipamahagi sa magsasaka ang lupa ng Hacienda Luisita at sa lahat ng mga Hacienda sa Kabikolan!

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!

Isulong ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB)!

Itigil ang militarisasyon sa Hacienda Luisita at sa buong bansa!

Hustisya para sa magsasaka ng Hacienda Luisita at sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!

 

KMP-Bikol/ 790 A Alcala St., Kimantong, Daraga, Albay
Tel. No. (052)435-5211   E-mail Ad: kmpbikol@yahoo.com