Piketlayn itinayo sa ABS-CBN
Mula sa PINOY WEEKLY | Para lalong ipresyur ang manedsment ng ABS-CBN na ibalik sa trabaho ang 114 na manggagawang ilegal na tinanggal sa trabaho, itinayo ng ABS-CBN Internal Job Market Workers Union (IJMWU) ang isang piketlayn sa harap ng gate ng higanteng TV network sa Sgt. Esguerra, Quezon City kung saan sila nagpalipas ng gabi kahapon, Oktubre 12. (Panoorin ang kaugnay na bidyo ng Kodao Productions)
Magsisilbi ang piketlayn bilang protest center para ipanawagan sa manedsment na dinggin ang desisyon ng Department of Labor and Employment (DoLE) noong Agosto 18 na kilalanin ang mga miyembro ng IJMWU bilang regular na manggagawa at magsagawa ng certification elections, ayon kay Alain Cadag, bise-presidente ng IJMWU.
Panawagan din nila ang kagyat na pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawang tinanggal simula noong Hunyo 17.
“Ang pagtatayo ng piketlayn ang pinakamalaking protesta ng mga manggagawa ng ABS-CBN. Simula noong unang tanggalan, hindi pa dinidinig ng manedsment ang aming mga kahilingin at sa halip ay patuloy na nagtanggal ng mga manggagawa, karamiha’y mga opisyal at miyembro ng unyon,” ani Cadag.

Bandang alas-3 ng hapon noong Oktubre 12 nagsimula ang protesta ng mga manggagawa sa Sgt. Esguerra gate ng ABS-CBN. (Tudla Productions)
Binatikos din ng lider-manggagawa ang kawalang-aksiyon ni Pang. Benigno Aquino III para itigil ang malawakang kontraktuwalisasyon at iba pang kontra-manggagawang polisiya na ipinapatupad ng malalaking kompanya gaya ng ABS-CBN.
Mula 10 taon pataas nang nagtatrabaho bilang mga cameramen, lighting crew, sound engineer at iba pa ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho dahil sa pamumuwersa umano ng manedsment na papirmahin sila ng mga kontrata na nagbabalewala sa kanilang matagal na serbisyo. Basahin ang kaugnay na istorya
Sumama at sumuporta sa piketlayn ang mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno at Kowloon House, gayundin ang mga estudyante mula sa Anakbayan at Kabataan Party-list, at tagasuporta mula sa mga maralitang komunidad sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan – National Capital Region.
Nagkaroon ng mga film showing, pagtatanghal, at diskusyon hinggil sa sitwasyon ng mga manggagawa at iba pang sektor.
Similar entries
- 1660 Manggagawa, Mawawalan ng Trabaho
- Banta ng demolisyon sa kabahayan ng North Harbor, pinalagan ng manggagawa at maralita!
- KrisisMas: kahimtang han mga parag-uma ha Sinirangan Bisayas
- Paninindigan ng mga Magsasaka sa Kabikolan Kaugnay sa Hacienda Luisita / Compromise Agreement, sa Hacienda Peralta sa Sorsogon at sa iba pang mga Usapin sa Lupa sa Kabikolan
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)
- Balance Piston sa Mindanao, tinututulan ng grupong KAWAGIB
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang nakatira sa tabing-riles ng Pacwood at RMT Site, Tunasan, Muntinlupa City
- Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City
- Hinggil sa Proyektong Embarcadero



