Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)

Posted by webadmin
16 Apr 2010
vernacular

(Unang Bahagi) Ang Navotas ay isang pahabang dalawang islang munisipalidad na nakaharap sa dagat at matatagpuan sa hilagang kanlurang bahagi ng Kamaynilaan. Idinudugtong ito ng mga tulay sa Kamaynilaan. Ang mga islang ito ay ang Navotas at Tanza. Ito ay may kabuuang sukat na 8.9 kilometro kwadrado. 

Sa hilaga ay matatagpuan ang lalawigan ng Bulacan partikular ang bayan ng Obando, sa silangan ay ang Ilog ng Malabon-Navotas, sa timog ay ang mga Lungsod ng Kalookan at Maynila at sa kanluran naman ay ang Manila Bay.

Binubuo ito ng labing-apat na barangay kung saan ang North Bay Boulevard South (NBBS) ang pinakamalaki sa mga barangay na ito. Ang iba pa ay ang San Rafael, North Bay Boulevard North, Bangkulasi, Bagumbayan North, Bagumbayan South, Navotas East, Navotas West, Sipac-Almacen (dito matatagpuan ang munisipyo), San Jose, Daang Hari, San Roque, Tangos at Tanza.

Mayroon itong kabuuang populasyong humigit kumulang sa kalahating milyon o kabuuang bilang na 124,000 pamilya batay sa 2006 municipal data. May 85,000 populasyong botante na kung saan ang humigit-kumulang 40,000 nito ay sa NBBS pa lamang.

Ang NBBS ay isang reclaimed area. Dito matatagPuan ang fish port. Habang ang San Rafael (barangay ng Navotas na nasa may hangganan ng Maynila) naman ay industrial area.

Mayaman at kilala ang Navotas sa mga yamang-dagat.  Halos lahat ng 200 klase ng isda at seashells sa Pilipinas ay matatagpuan dito.

Halos 80% ng mamamayang Navoteño ay kumukuha ng kanilang ikinabubuhay sa dagat. Ang mga Navoteño ay mga batilyo, mangingisda, maninisid, magtatahong, mga manggagawa sa pagawaan ng sardinas, maghahayuma, manggagawa sa patisan at bagoongan, mag-uuling, manggagawa sa baradero, maglalako ng isda at mga tindero’t tindera ng isda sa palengke.  Maging ang mga tsuper ng traysikel, fadyak at dyip ay kumikita sa paghahatid ng mga manggagawa at produkto mula sa dagat papunta sa mga pamilihan at pagawaan.

Ang ganitong tipo ng kabuhayan ay umaabot hanggang sa Dagat-dagatan, Letre,  Malabon at Maging sa ibapang karatig bayan ng Navotas

Ang mga taal na taga-Navotas ay matatagpuan sa gilid ng mga mayor na kalsada o sa tinatawag nilang delantera tulad ng Agora Boulevard, Pascual St at M. Naval.  Sa kanila nagmula ang mga may-ari ng baradero, patisan at mga kumikita sa pamamagitan ng pamamakyaw at pag-iimport ng isda.  Sa kanila rin galing ang mga kilalang pangalan sa lokal na pulitika tulad ng Tiangco, Del Rosario, Tiu-Laurel at Sandoval. May mga-anak silang nanirahan na rin sa tabing-dagat.

Ang kalakhan ng mga mamamayan naman ay mga salta mula sa mga lalawigan ng Bisaya.  Dati silang mga pahinante sa mga barkong pangisda na bumibyahe pabalik-balik sa Bisaya at Maynila, mga pamilya at kamag-anak ng mga pahinante ng mga barkong pangisda, mga magbubukid na nawalan ng sasakahin sa kanilang mga lalawigan, mga nagsilikas sa mga lalawigan bunga ng matinding militarisasyon at mga nademolis sa ibang lugar.

Noong Dekada 60 masagana ang kabuhayan ng mga mamamayan ng Navotas. Marami pang isdang nahuhuli sa baybay dagat. Subalit noong magsimulang magtayo ng pagawaan sa tabing-dagat noong dekada 70 ay nagsimula ng dumumi ang baybay dagat ng Navotas. Ang pagsulpot ng mga pagawaan sa kalakhang maynila ay alinsunod sa proyekto ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng kalakhan maynila o sa kanilang ambisyong City of man. Ang North Bay Boulevard Business Park (NBBBP) ay isang bahagi ng Manila Bay Development Plan na tumatagos mula sa lalawigan ng Cavite, dadaan ng baybayin ng Paranaque, Maynila, Navotas, lalawigan ng Bulacan, lalawigan ng Pampanga at lalawigan ng Bataan.

Ito ay partikular na plano na hinugot sa planong City of Man at Philippines 2000 ng mga nagdaang rehimen. Ang proyektong ito ay katatangian ng pagtatayo ng mga shopping malls at  supermarket sa tabing-dagat, mga kalsada’t tulay, pagpapaunlad ng mga pier at pagawaan ng mga sirang barko.

Ayon sa pagpupulong na ipinatawag ni Pangalawang Pangulong Noli De Castro, (Kalihim ng HUDCC) na naganap sa Makati ang kukunin sukat ay 60 metro mula sa salpukan ng alon at 680 pamilya lamaang ang umano ang maaapektuhan.  Ang proyekto raw ay maisasakatuparan noong 2007 sa katunayan tinitignan natin na bahagi ng naturang proyekyo ang nagaganap ng Demolisyon sa kahabaan ng R-10. Ang pagpupulong na ito ay dinaluhan ng DENR, PCUP, NHA, MMDA, PEA-AMARI, DPWH, Deep Sea Fishing Association, kung saan kasapi ang Monalinda na pag-aari ni Alfonso Tan, mga indibidwal na tulad nina Henry Sy at Ramon Chuanico, mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong lungsod, mga organisasyon ng mga estibadores at anim na na diumano’y organisasyon ng mga maralitang accredited ng PCUP sa pamamagitan ng   Project inter-agency committee (PIAC) na binubuo mula sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan at Peoples organization.

Partikular sa Navotas, itatayo ang International Ship Repair Yard upang magsilbi sa mga pangangailangan ng mga itatayong International Ports sa Manila Bay, Subic at sa Infanta sa Quezon. At ang plano umano sa Navotas bilang Sentrong Pangisdaan subalit katotohanan ay sentrong bagsakan na lamang ng mga imported na isda at mga isdang dala-dala ng malalaking barko mula sa iba't ibang bahagi ng pilipinas na pag-aari ng mga dayuhang Corporation.

Bahagi ng proyektong ito ang ekspansyon ng Radial Road 10 o R10 at pagpapalapad ng mga panloob na kalsada tulad ng Pascual at M. Naval at pag-papagawa ng mas malapad kalsada sa kahabaan ng baybaying dagat ng navotas na magmumula sa C-4 tungong Tangos na may kabuuang haba na 3.3 kilometro.  na lulusot sa Bayan ng Malabon at Valenzuela o yung tinatawag na Coastal road at Reclamation Area particular sa lugar ng Nabotas. Ayon mismo sa sinabi ni Mayor Tobi Tiangco, "Di natin kailangan pumunta ng balintawak upang tumungo ng North Luzon Expressway dito sa navotas may short cut na patungong NLEX " at "malaking tulong para sa mamayang navoteno dahil magkakaroon tayo ng hanapbuhay".

Ang tanong, Para kanino ngaba ang Proyektong  ito? Pano nga ba natin pakikinabagan ang Proyektong ito kung tayo mismo ay aalisin sa ating lugar pananahanan? Mga katanungang tayo rin mismo ang makasasagot.